Bastusan sa Senado at Kongreso hindi na uubra ayon kay Duterte
Hindi papayagan ni presumptive President Rodrigo Duterte na bastusin sa Senate at Congressional inquiries ang mga miyembro ng kanyang magiging gabinete.
Sa kanyang pagharap sa press conference sa Davao City, sinabi ni Duterte na hanggang ngayon ay hindi niya malimutan ang ginawang pagpapakamatay ni dating Defense at Energy Sec. Angelo Reyes.
Magugunitang si Reyes ay ay nag-suicide sa mismong libingan ng kanyang ina makaraan siyang mabiktima ng umano’y panghihiya sa Senate hearing may kaugnayan sa ilang katiwalian sa loob ng Armed Forces of the Philippines.
Sinabi rin ni Duterte na siya mismo ang magtatanggol sa kanyang mga tauhan kapag ang mga ito’y binastos ng ilang mga mambabatas.
Ayon sa opisyal, dapat ay magkaroon ng respeto sa hanay ng mga sangay sa pamahalaan.
Bukod sa kanyang ka-tandem na si Sen. Alan Peter Cayetano, sinabi ni Duterte na posibleng italaga niya bilang acting Justice Secretary si dating Securities and Exchange Commission Chairman Perfecto Yasay.
Si Peter Laurel naman ng Lyceum of the Philippines University ang kanyang itatalaga bilang Education Secretary.
Sinabi pa ni Duterte na sa ngayon ay isinasapinal pa nila ang listahan ng kanyang mga magiging cabinet members kasabay ang pagtiyak sa publiko na hindi siya tatanggap sa kanyang administrasyon ng mga inendorso ng mga pulitiko.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.