Mga pirmang kinolekta ng NORDECO hiniling patunayang tunay
By: Chona Yu
- 3 years ago
Hinamon ng isang consumer advocacy group sa Davao del Norte ang Northern Davao Electric Cooperative Inc. (“NORDECO”) na patunayan tunay ang mga kinolektang lagda nito mula sa mga tao na sinasabing laban sa pagwawakas ng prangkisa nito.
Sinabi ni Ave Rose Castillo, convenor ng DavNor Energy Modernization Movement, na nakatanggap siya ng mga ulat na nangongolekta ang NORDECO ng mga pirma bilang kondisyon upang makapasok sa kanilang mga payment center, at sa kanilang mga aktibidad sa komunidad kapalit ng mga grocery bag at maging ng pera.
“If the signatures are authentic, then NORDECO should present it to the public so that the authenticity could be examined. It must be proven that their position is supported by the majority of its consumers,” wika ni Castillo.
Kinondena din ni Castillo ang NORDECO sa hindi nito pakikinig sa mga reklamo ng mga consumer nito tungkol sa madalas na brownouts, mahal na singil ng kuryente, at hindi maayos na serbisyo sa kanilang mga customer.
“What the cooperative has been doing is to sweep these complaints under the rug and collaborate with dubious groups just so they could continue deceiving their consumers,” dagdag pa nito.
Isa sa mga grupong sumusuporta sa batas ang DavNor Energy Modernization Movement, na magpapalawak ng franchise area ng Davao Light and Power Co. (“Davao Light”). Mula noong 1976, nagsilbi na ang Davao Light sa Davao City, Panabo City, Sto. Tomas, Carmen, Braulio Dujali, at ilang bahagi ng Kapalong.
Tinatangkilik din ng legislation ang suporta mula sa lahat ng opisyal ng Davao anuman ang kaugnayan nito sa pulitika, kasama ang lahat ng mga Davao local government units maliban sa Maco sa Davao del Oro na nagpasa ng mga resolusyon na nananawagan para sa ibang power provider na papalit sa NORDECO.
Nananawagan din ang mga grupo ng negosyo para sa isang bagong power provider, kabilang ang Samal Island Chamber of Commerce & Industry Inc., Hugpong Manggama sa Isla, Samal City Resort Owners Association, Samal Island Tourism Council, United Association of Tricycle Operators, Drivers of Samal at Tagum City Chamber of Commerce and Industry Inc. na nagpasa ng sarili nilang mga resolusyon sa usaping ito.
Ipinasa sa ikatlong pagbasa ng House of Representatives noong Enero ng panukalang batas na magpapalawak sa Davao Light’s franchise area at mabawasan ang sa NORDECO. Kasalukuyan ng naghihintay ng deliberasyon ang naturang panukalang batas sa Senate chambers.
Bilang tugon sa patuloy na developments sa Kongreso, sinasabi ng NORDECO na nakakuha sila ng 90,000 signatories na sinasabing laban sa iminungkahing batas.