Senate President Tito Sotto: Senado hindi naging ‘tuta’ ng Malakanyang
Pinanindigan ni vice presidential candidate Vicente Sotto III na kailanman ay hindi naging ‘tuta’ ng Malakanyang ang Senado.
Sa Vice Presidential debate na inorganisa ng isang TV network, iginiit ni Sotto na mali na paratangan o kahit pag-isipan na nawala ang pagiging ‘independent’ ng Mataas na Kapulungan ng Kongreso.
Pinaratangan si Sotto ng kapwa kandidatong si Walden Bello na isinulong ang mga panukalang pinapaboran ng Malakanyang.
Sinabi pa ni Bello na malapit na kaibigan ni Sotto si Pangulong Duterte.
Buwelta naman ni Sotto, hindi masamang maging kaibigan ang pangulo ng bansa at pagdidiin niya, kailanman sa kanyang pamumuno ay napanatili ang pagiging independent ng Senado.
Diin niya ang mga tinalak na panukala sa Senado at naging batas ay para sa kapakanan ng sambayanang Filipino.
“Anti-Terror Law, bakit gusto mo ba kampi tayo sa terrorist? Hahayaan natin sila ganun na lang. Foreign investments bakit ayaw natin makarecover ang ekonomiya? Ano nakasadlak na lang tayo, bagsak na lang? We should allow that. And I don’t think its wrong if I am a friend of the President, as long as the Senate is independent. Ang lahat na ipinasa namin sa Senado kahit na pandemic I was never absent, never late. Kahit na to the detriment of my health wala akong pakialam because I was doing my job. That’s it,” paliwanag ni Sotto.
Tungkol naman sa paratang ni Bello, na wala ginawa si Sotto sa sinapit ni Sen. Leila de Lima.
Sinagot siya ni Sotto na makakabuti kung si de Lima mismo ang kanyang tanungin dahil aniya sa kanyang pagkaka-alala ay hindi niya pinabayaan na arestuhin sa Senado.
Hinamon pa niya si Bello na tanungin ang ibang senador ukol sa kanyang naging pamumuno sa Senado.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.