Sakripisyo ng mga frontliners laban sa COVID-19, kinilala ni Senador Bong Go
By Chona Yu February 22, 2022 - 11:11 AM
Pinuri ni Senador Christopher “Bong” Go ang progreso ng bansa sa paglaban sa COVID-19 pandemic, sa pamamagitan ng walang pagod at bayanihan ng government, health authorities at frontliners.
Tinukoy ni Go ang naitalang 1,923 new cases ng Department of Health noong February 19, na pinakamababa ngayong taon. Gayunman, sa kabila ng pagbaba ng mga kaso ay nanawagan pa rin ang senador na ipagpatuloy ng publiko ang pagtalima sa health protocols upang maiwasan ang hawaan ng sakit.
“Patuloy po ang pagpasok ng magagandang balita para sa ating bansa ngayon. Noong Pebrero 15, 2022 ay sinabi ng Malacañang na nasa low-risk classification na ang National Capital Region at ang buong Pilipinas,” saad ni Go.
“Bagama’t hindi tayo dapat maging kumpiyansa, ito ay nagbibigay ng pag-asa sa atin na nasa tamang direksyon tayo patungo sa pag-ahon sa krisis na dulot ng COVID-19. “
Ibinahagi rin ni Go ang average daily cases mula February 8 hanggang 14 na bumagsak ng 56% kumpara sa bilang ng mga kaso ng sinundan nitong linggo. Kung sakaling magpatuloy ang trend, sinabi ni Go na ang bilang ng mga bagong kaso ay posibleng bumaba pa sa 83 sa kalagitnaan ng Marso.
“Sa tantiya ng DOH, kung magpapatuloy ang ganitong trend, sa kalagitnaan ng buwan ng Marso ay baka nasa 83 bagong kaso na lang ang maitala kada araw kung magiging disiplinado ang lahat at susunod sa mga patakaran bilang kooperasyon sa gobyerno at sa buong komunidad,” aniya.
Inihayag din Go na malapit nang makamit ng buong bansa ang population protection, batay sa ibinahagi ni vaccine czar Carlito Galvez Jr. noong February 14 na sampung rehiyon ang nakapagbakuna na ng mahigit 70% ng kanilang populasyon. Muli ay hinimok nito ang mga unvaccinated na magpabakuna na dahil ito lang ang paraan upang makabalik sa normal ang bansa.
“Kaya patuloy po akong nakikiusap sa mga kababayan natin na hindi pa bakunado pero kuwalipikado, magpabakuna na po kayo. Ngayon ay nakikita na natin na tanging ang bakuna ang solusyon para tuluyan na tayong makawala sa mga krisis na dulot ng pandemya,” sabi ni Go.
Dahil sa mga positibong developments, ibinahagi rin ni Go ang desisyon ng pamahalaan kamakailan na buksan muli ang bansa para sa mga bakunadong dayuhang turista, upang muling sumigla ang turismo.
“Nito lang Pebrero 15, batay sa tala ng Department of Tourism ay nagkaroon tayo ng 10,676 foreign travelers mula nang magbukas tayo ng border noong Pebrero 10. Tandaan po natin na sa turismo, may negosyo at may trabaho,” ani Go.
“Kapag muling sumigla ang ating tourism industry, magti-trigger ito ng tinatawag na multiplier effects. Magbubukas muli ang iba pang negosyo, unti-unting makakabangon ang service sectors at lalakas muli ang ating ekonomiya,” paliwanag ng senador.
Pinasalamatan ni Go ang pamahalaan, health, authorities at frontliners sa patuloy na pagtupad sa kanilang tungkulin at bayanihan upang maprotektahan ang bansa mula sa COVID-19. At dahil naging bahagi na ng buhay ang virus, binigyan diin ni Go ang kahalagahan ng heathcare system.
“Bilang Chair ng Senate Committee on Health, nagpapasalamat ako sa DOH, sa ating mga frontliners, at sa lahat ng ahensya ng pamahalaan na nakikipagbayanihan para tuluyan nang masugpo ang COVID-19 pandemic at makabalik na tayo sa normal na pamumuhay,” saad ni Go.
“Kailangan po nating mamuhay na kung saan bahagi na nito ang COVID-19. Ang pinakaimportante lang na dapat nating siguraduhin ay huwag bumagsak ang ating healthcare system,” dagdag pa niya.
Tiniyak din ng senador sa mga Filipino ang kanyang katapatan sa pagsisilbi upang makamtan ang kaunlaran. Pinasalamatan din nito ang taumbayan sa patuloy na pagsuporta sa kanya at sa pamahalaan, kasabay ng pangako na walang maiiwan sa pagtahak sa landas patungo sa pagbangon.
“Kahit anuman ang mangyari sa pulitika, ipagpapatuloy ko po ang serbisyong aking nakasanayan at natutunan kay Tatay Digong—ang walang tigil, walang pili, at walang takot na paglilingkod sa bayan na may buong tapang at malasakit,” pagtitiyak ni Go.
“Nagpapasalamat po ako sa inyo, mga kapwa ko Pilipino, dahil sa inyong pakikiisa, pagtitiwala, at pagsuporta sa amin ni Pangulong Duterte at sa buong administrasyong ito. Sama-sama nating itawid ang ating bansa tungo sa mas maginhawang buhay. Walang dapat maiwan sa ating pag-ahon sa krisis!” saad pa ni Go
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.