Manny Pacquiao, walang balak kunin bilang DOH Secretary si Duque

PCOO photo

Walang balak si Promdi presidential candidate Senator Manny Pacquiao na kunin bilang kalihim ng Department of Health si Secretary Francisco Duque III.

Ito ay kung mananalong Pangulo ng bansa si Pacquiao sa eleksyon sa Mayo.

Paliwanag ni Pacquiao, dalawang beses nang nabigyan ng tsansa si Duque para patunayan ang galing bilang kalihim ng DOH.

Unang nanungkulan bilang DOH Secretary si Duque noong panahon ni dating Pangulong Gloria Macapagal Arroyo at ngayon sa ilalim ng administrasyon ni Pangulong Rodrigo Duterte.

Ayon kay Pacquiao, quota na si Duque bilang pinuno ng DOH.

Mas marami aniyang capable ang dapat na mabigyan ng tsansa na manungkulan sa puwesto.

Nakita na aniya ng taong bayan kung naging masaya o hindi sa panunungkulan ni Duque.

Marami aniyang mas bata at mas sariwa ang ideya na gustong magserbisyo sa bayan nang tapat at walang bahid ng korupsyon.

Binigyan ng bagsak na grado ni Pacquiao si Duque.

Hindi naman tinukoy ni Pacquiao kung sinong partikular na indibidwal ang gagawing kalihim ng DOH sakaling manalong pangulo ng bansa.

Read more...