Kapwa dumulog sa panalangin ang mahigpit na magkalaban sa vice presidential race na sina Sen. Bongbong Marcos at Rep. Leni Robredo sa pag-asang pumabor sa kanila ang magiging pinal na resulta ng laban.
Dumalo sa misa sa National Shrine of Our Mother of Perpetual Help sa Baclaran, Parañaque si Marcos at ang kaniyang pamilya, kabilang na ang asawang si Louise, anak na si Sandro at inang si dating first lady at Ilocos Norte Rep. Imelda Marcos na napabalitang madalas nagpupunta sa nasabing simbahan.
Naroon din ang pinsan ni Marcos na si senatorial candidate Leyte Rep. Martin Romualdez.
Ang misa noong ganap na 12:30 ng tanghali ng Linggo ay inialay para sa “katotohanan at integridad ng halalan” na inorganisa ng mga tagasuporta ni Marcos.
Pagbaba pa lamang ng pamilya Marcos sa kanilang sasakyan, dinumog na agad sila ng mga nagsisimba para kuhanan sila ng litrato.
Kahit nasa loob na ng simbahan, nag-chant pa ang mga ito ng “Marcos” at “BBM,” at kinailangan pa silang patahimikin upang masimulan na ang misa ni Fr. Ben Sy.
Hinintay lamang ng mga taga-suporta ang komunyon at nag-simula na silang sulitin ang oportunidad na makuhanan ng litrato ang pamilya.
Hindi pa man tapos ang misa, unti-unti na namang dinumog ang lugar na kinaroroonan ng pamilya at kinailangan pa itong pigilan ng mga security personnel para lang maka-labas na sila ng simbahan at makapasok sa sasakyan.
Pasado alas-3 naman ng hapon nang magsimba si Robredo kasama ang tatlong mga anak na sina Aika, Tricia at Jillian.
Pinangunahan ng kaniyang spiritual adviser na si Fr. Manoling Francisco ang misa sa Church of Gesu sa Ateneo.
Hindi naman nahapyawan ng pulitika ang sermon ni Fr. Francisco, at hindi rin niya binanggit si Robredo at mga anak nito.
Bagkus, itinuon niya ang misa sa “wika ng pag-ibig” na nagbibigay aniya ng lakas at kapangyarihan sa mga Kristyano na ipakalat ang mensahe ng Panginoon.
Sa ngayon ay patuloy na nangunguna sa partial and unofficial na bilang ng boto si Robredo, na nasa mahigit 219,000 na ang agwat kay Marcos.