Mayorya ng driver’s license renewers, gumamit ng libreng LTO online portal

Gumamit ng libreng on-line portal para sa Comprehensive Driver’s Education (CDE) program at exam ang mayorya sa mga aplikante para sa pagre-renew ng driver’s license, ayon sa Land Transportation Office (LTO).

Base sa Republic Act No. 10930 kung saan pinalawig ang validity period ng driver’s licenses sa 10 taon, kailangang dumaan sa CDE refresher course at exam ang renewing license holders.

Ayon kay LTO chief Assistant Secretary Edgar Galvante, simula November 3, 2021 hanggang January 31, 2022, umabot sa 341,055 aplikante ang nagpa-renew ng driver’s license.

Sa nasabing bilang, 331,440 o 97.19 porsyento ang nag-avail ng libreng CDE program training modules at exam mula sa Land Transportation Management System (LTMS).

Maliit na bahagi lamang aniya ng driver’s license renewers ang nag-enroll sa mga pribadong driving school para sa face-to-face CDE seminars.

Nilinaw naman ni Galvante na ang LTO lamang ang dapat mangasiwa ng CDE validation exam, sa pamamagitan ng LTMS online portal o LTO Driver’s Education Centers (DECs) na nag-aalok ng libreng face-to-face training sa ilang piling LTO offices.

Maari namang makapagsagawa ang LTO-accredited private driving schools ng CDE training seminars at magsilbing hosts para sa mga aplikante na sasalang sa CDE exam sa pamamagitan ng LTMS online portal.

Ani Galvante, dapat gamitin ng private driving schools ang LTO-provided materials para sa kanilang CDE classes.

Libreng inaalok ang LTMS training modules at validation exam sa LTMS online portal via portal@lto.gov.ph.

May opsyon ng LTMS users kung training videos, slide presentations, o e-books ang gagamitin para maaral ang CDE materials.

Bibigyan lamang ang mga user ng 25-question validation exam. Kailangang maisagot nang tama ang hindi bababa sa 50 porsyento ng mga tanong para makuha ang CDE certificate para sa kanilang license renewals.

24/7 bukas ang naturang libreng online portal ng LTO para sa mga kliyente.

Read more...