Anim na pasahero, kabilang ang tatlong menor de edad, nasagip sa Basilan

Photo courtesy: BRP Malamawi (FPB-2403)

Nasagip ng mga tauhan ng Philippine Coast Guard (PCG) ang anim na pasahero sa nagkaaberyang bangka sa karagatang sakop ng Little Coco Island, Basilan araw ng Huwebes (February 17).

Habang binabagtas ang karagadang sakop ng Sibago Island, Basilan namataan ng BRP Malamawi (FPB-2403) ang bangka na dalawang oras nang hindi gumagalaw.

Agad rumesponde ang PCG sa mga pasahero, kabilang ang tatlong menor de edad, at nagbigay ng kinakailangang tulong.

Ayon sa boat operator, umalis sila sa Basilan at patungo sana sa Sacol Island, Zamboanga City nang biglang makaranas ng problema sa makina.

Dinala ng BRP Malamawi (FPB-2403) ang nagkaaberyang bangka sa Zamboanga City Pier, habang ang mga nasagip na pasahero ay dinala sa PCG District Southwestern Mindanao Medical para sa karagdagan pang tulong.

Read more...