Matapos ang paghahanda at pagbabantay sa halalan, pagbubukas naman ng mga paaralan ang haharapin ngayon ng National Capital Region Police Office (NCRPO).
Iniutos na ni NCRPO Director Joel Pagdilao sa lahat ng mga district directors, at mga hepe ng mga istasyon ng pulis na tiyakin ang maayos at ligtas na pagbabalik-eskwela ng mga estudyante sa Hunyo.
Mas paiigtingin nila ang seguridad at police visibility malapit sa mga paaralan upang mailayo sa mga holdaper at snatcher ang mga mag-aaral.
Inatasan rin niya ang mga pulis na alalayan ang Department of Trade and Industry (DTI) na magsisimula naman nang magbantay laban sa overpricing sa mga school supplies.
Inaasahan rin ni Pagdilao ang pagbibigay ng tulong ng kaniyang mga tauhan sa Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) na gagabay naman sa trapiko sa apligid ng mga paaralan.
Nag-deploy na rin aniya ang NCRPO ng 25 na tauhan na tutulong naman sa pag-aayos ng mga gusali at pasilidad ng mga paaralan sa Metro Manila.
Dagdag pa ni Pagdilao, hindi dapat maging kumpyansa ang sinuman sa kanila sa tagumpay ng kanilang mga nagdaang operasyon at lagi dapat nilang tiyakin ang pag-protekta sa mga tao laban sa mga masasamang loob.
Nanawagan rin si Pagdilao sa mga estudyante, magulang at mga nangangasiwa sa paaralan na manatiling alerto at i-sumbong agad sa pulis ang anumang kahina-hinalang sitwasyon o tao na napansin nila.