Overfishing ng Chinese vessels sa West Philippine Sea, pinuna
Sinabi ni Edicio dela Torre, pangulo ng Philippine Rural Reconstruction Movement, ang ginagawang ‘overfishing’ ng Chinese vessels sa West Philippine Sea, ang pangunahing dahilan kaya’t nagkukulang ang suplay at mataas ang presyo sa mga pamilihan sa bansa.
Sinabi nito na hindi naman lubos na pinagbabawalan ang mga mangingisdang Filipino na mangisda sa West Philippine Sea kundi lubhang agresibo ang ginagawang pangingisda ng mga mula sa China.
Sa isyu ng pag-aangkat ng gobyerno ng galunggong, ayon kay dela Torre, ang mga ibinebentang isda ng China sa bansa ay galing din sa karagatan ng Pilipinas.
“Hindi naman kinakain sa China ang galunggong. Kaya ang ibinibenta nila sa atin ay galing din sa atin,” sabi pa ni dela Torre, na chairman din ng Education for Life Foundation.
Pinuna din niya ang kulang na pagkilala ng gobyerno sa kahalagahan ng mga mangingisdang Filipino.
Diin nito, simple lang ang hiling ng mga mangingisda at ito ay bigyan sila ng sapat na suporta para maitaguyod ang kanilang kabuhayan at pairalin ang mga batas ukol sa pangingisda
Dagdag pa niya, sa papalapit na eleksyon, pipiliin ng mga mangingisda ang kandidato na sa kanilang palagay ay may malinaw at madaling magagawang programa para sa kanilang sektor.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.