400 posisyon, bubuksan sa Duterte administration

 

Inquirer file photo/AP

Mahigit 400 na matataas na posisyon sa pamahalaan ang bubuksan para sa mga nagnanais maging bahagi ng Duterte administration.

Ang nasabing 400 na appointive positions ay bahagi lamang ng mahigit 6,000 na posisyong mababakante oras na matapos na ang Aquino administration at mailipat na ito sa pamamahala ni presumptive president Rodrigo Duterte.

Kabilang sa mga posisyon na available para sa mga interesado ay mga secretary, undersecretary at assistant secretary ng mga kagawaran.

Ayon kay Peter Laviña na tagapagsalita ni Duterte, mas tinututukan nila ngayon ang pagbuo sa Department of Foreign Affairs at ng economic team upang mapawi ang agam-agam ng mga tao at makuha ang tiwala ng business community.

Sa ganitong paraan balak ipagpatuloy ng Duterte team ang magandang lagay ng ekonomiya ng bansa.

Ani pa Laviña, sa kada posisyon ay magkakaroon sila ng tatlo hanggang apat na pangalan sa shortlist na siyang pagpipilian ni Duterte.

Pipiliin aniya nila ang pinakamagagaling at pinakamatatalino sa mga aplikante na handang mag-sakripisyo para sa magandang kahihinatnan ng Duterte administration.

Sakali naman aniyang hindi matanggap sa posisyon na secretary, maari pa rin silang ma-hire bilang undersecretary o assistant secretary na kadalasang mas marami pang ginagawa sa mga kagawaran.

Ang pagtatalaga naman ng tao sa iba pang mas mababang posisyon ay nakasalalay na sa kung sino ang mapipiling mamuno sa kagawaran o ahensya ng gobyerno.

Gayunman, sinabi ni Laviña na may ititira pa rin silang mga empleyado na maaring gumabay sa mga susunod na tauhan.

Hindi pa man opisyal na nagsi-simula ang paghahanap nila ng mga ta-tao sa mga posisyon, daan-daan na aniya ang nag-aapply sa kanila, gamit ang iba’t ibang pamamaraan.

Sa pulong pa lamang ng transition team ni Duterte sa Marco Polo Hotel noong Miyerkules, marami nang tao ang pumila para magpakita ng interes na mag-trabaho sa ilalim ng kaniyang administrasyon.

Read more...