Dating gobernador ng Quezon, nahaharap sa kasong kriminal
Nahaharap sa reklamong election offense ang dating gobernador at ngayo’y Quezon 2nd District Rep. David “Jay-Jay” Suarez.
Base sa reklamo, nagawa umano ang paglabag noong 2019 mid-year election campaign period noong gobernador pa si Suarez.
Sa complaint-affidavit, nilabag nito ang kautusan ng Section 261 ng ‘Batas Pambansa Bilang 881’ o ‘Omnibus Election Code’ (OEC), kung saan nakasaad na bawal sa paglabas at paggastos ng pondo ng pamahalaan nang walang pahintulot ng Commission on Elections (Comelec) habang nag-iiral ang campaign period.
May kinalaman ang paglabag sa pagpayag at pag-utos nito sa paglabas ng pondo para sa programang Social Welfare Development Office sa ialim ng Assistance to Individual in Crisis Situations (AICS) at Sustainable Livelihood Programs (SLP).
Batay sa Section 261(v) ng Omnibus Election Code, ipinagbabawal ang isang opisyal o empleyado, kabilang ang mga nanunungkulan sa barangay at ang government-owned and controlled corporations at subsidiaries nito, ang paggastos ng pampublikong pondo sa loob ng 45 araw bago ang regular na halalan, at 30 araw naman bago ang espesyal na halalan. Layon nitong masiguro na hindi magagamit ang pondo sa pangangampanya.
Ayon pa sa reklamo, pilit itong humingi ng pahintulot o exemption sa Comelec, ngunit hindi ito pinayagan base sa inilabas na desisyon noong November 26, 2019.
Base sa pagdinig noong May 7, 2019, kulang ang mga naisumite nitong dokumento at hindi natukoy ang mga programang paglalaanan ng pondo. Hindi rin malinaw kung saan kukunin ang pondong gagamitin at kung magkano ang halagang gagastusin, at hindi rin naisama ang approved budget at ang annual investment plan ng probinsya para sa taong 2019.
Kahit hindi pinahintulutan ng Comelec, iniutos pa rin nito ang paggamit ng pondo.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.