Nanawagan si reelectionist Senator Juan Miguel Zubiri sa Department of Agriculture (DA) na tigilan na ang mga pag-aangkat ng mga produktong agrikultural kasabay ng panahon ng anihan.
Nagbunsod ang panawagang ito ni Zubiri sa dalawang linggong pagbagsak ng halaga ng asukal dahil sa napipintong pag-aangkat ng Sugar Regulatory Board (SRA).
“First it was rice and corn, then pork, beef, chicken, and fish. Now it’s sugar. If we don’t put a stop to this ill-timed importation program, our local sugar prices will be in freefall for the coming weeks. We cannot allow this to happen. Our sugar farmers will be suffering next sugar crop year, with high production costs and lower productivity,” ayon sa senador.
Una nang pumayag ang DA at SRA na mag-angkat ng asukal para mapanatag ang presyo at suplay bunsod na rin ng epekto ng pananalasa ng bagyong Odette.
Banggit ni Zubiri, labis nang nasaktan ang sugar farmers sa mataas na presyo ng abono at krudo, at wala aniyang ginawang hakbang ang dalawang ahensya ng gobyerno.
Pagdidiin ng senador, sa binabalak ng DA at SRA, lalo lamang masasadlak ang mga naghihirap ng mga magsasaka kapag natulay ang importasyon ng asukal.
Sinabi ng senador na hihilingin niya sa Senate Committee on Agriculture, na pinamumunuan ni Sen. Cynthia Villar, na magsagawa ng pagdinig sa isyu.
Paalala lang din nito, una nang nangako ang DA sa pagdinig ng kanilang pondo sa taong 2022, na hindi mag-aangkat ng asukal sa panahon ng anihan.
Diin pa ni Zubiri na dapat ay magsumikap ang lahat para matiyak ang suplay ng mga produktong agrikultural at hindi umasa na lamang sa pag-aangkat.