Mayor Isko Moreno: Endorso ng sambayanang Filipino ang mahalaga!

Manila PIO photo

Hindi apektado si presidential aspirant Isko Moreno Domagoso sa pag-endorso sa kandidatira ng kanyang mga kalaban ng iba’t ibang organisasyon.

“Ang pinakamahalagang endorsement na gusto kong makuha ay si ordinaryong Juan dela Cruz, si Petra, si Maria, yung mga tao sa kalsada, yung mga tao sa bahay, yung mga taong tunay na sasali upang iluklok ang kanilang pangulo,” sabi nito.

Dagdag pa niya, “So yun ang gusto kong endorsement, endorsement ng taongbayan. I am not bothered, basta ang importante, andiyan ang taongbayan, nandiyan yung silent majority, nararamdaman namin sila, masaya na po kami.”

Reaksyon ito ng standard-bearer ng Aksyon Demokratiko sa pag-endorso ni Bro. Mike Velarde, ng El Shaddai Charismatic Movement kay dating Sen. Ferdinand “Bongbong” Marcos, Jr.

Katuwiran pa nito, hindi siya natitinag dahil nararamdaman niya ang mainit na pagtanggap sa kanya ng masa kahit saan siya magpunta.

Maging ang sinasabing puwesto niya sa mga survey ay hindi rin ikinababahala ni Domagoso at ayon sa kanya, sa araw ng botohan, boses ng mga ordinaryong tao ang mananaig.

“I will leave it to you to judge. I will always leave it to the people. Hayaan ko na lang ang tao ang humusga. Kailangang-kailangan ko ng tulong, mahirap itong laban ko. Pero lumalakas ang loob ko nga kapag yung mga tao talaga ay very warm yung pagsalaubong sa atin,” dagdag pa ng 47-anyos na kandidato sa pagka-pangulo.

Sinabi pa nito, “Basta ako magtutuloy-tuloy tayo, walang susuko, tuloy ang laban, at tayo’y maghahanap ng mga tunay na solusyon at mabilis na aksyon na siyang kapakinabangan ng tao.”

Read more...