66 pang overseas Filipino, nagpositibo sa COVID-19

May 66 pang bagong napaulat na nagpositibong Filipino sa COVID-19 sa ibang bansa.

Sa datos ng Department of Foreign Affairs (DFA) hanggang February 14, nasa 24,975 na ang mga kumpirmadong positibo sa COVID-19 na Filipino mula sa 106 na bansa at rehiyon.

Sa nasabing bilang, 8,751 ang patuloy na nagpapagamot sa iba’t ibang ospital.

35 naman ang bagong gumaling kung kaya 14,763 na ang overseas Filipinos na naka-recover sa nakakahawang sakit o na-discharge na sa ospital.

Isa naman ang bagong napaulat na nasawi.

Dahil dito, 1,461 na ang COVID-19 related deaths sa mga Filipino abroad.

Pinakamarami pa ring naitalang confirmed COVID-19 positive na OF sa bahagi ng Middle East/Africa na may 13,471 na kaso.

Sumunod dito ang Europa na may 3,662 pa ring confirmed COVID-19 positive cases na OF.

Nanatili naman sa 1,088 ang kaso sa Americas at 6,754 sa Asia Pacific Region.

Tiniyak ng DFA na sa pamamagitan ng Foreign Service Posts, tututukan ang lagay ng mga Pinoy sa ibang bansa at handang umasiste sa mga Filipino na apektado ng COVID-19 pandemic.

Read more...