Mayroon nang inisyal na listahan ang Philippine National Police (PNP) at Armed Forces of the Philippines (PNP) ukol sa mga lugar na kailangang tutukan sa kasagsagan ng 2022 National and Local Elections.
Sa Laging Handa public briefing, sinabi ni Police Col. Jean Fajardo, tagapagsalita ng PNP, na patuloy na bineberipika ang mga lugar na kabilang sa naturang listahan.
Naiprisinta na aniya ang listahan sa Comelec sa isinagawang Comelec Command Conference.
“‘Yung final list po ay ia-announce po ng Comelec once na ma-approve po ‘yan ng Comelec en banc,” saad ni Fajardo.
Sa ngayon, hindi pa aniya maibibigay ng pambansang pulisya ang mga lugar na kabilang sa listahan.
“May inaasahan po ang PNP at AFP na magkakaroon ng adjustments depende po doon kung iyon po ay magku-qualify sa mga parameters na ibinigay ng Comelec,” paliwanag nito.