Campaign period para sa 2022 elections, nananatiling payapa – PNP
Nananatiling payapa ang kasagsagan ng kampanya para sa 2022 National Elections, ayon sa Philippine National Police (PNP).
Sa Laging Handa public briefing, tiniyak ni Police Col. Jean Fajardo, tagapagsalita ng PNP, na puspusan ang pagbabantay sa kaliwa’t kanang kampanya ng mga kandidato.
Gayunman, may mga naobserbahan aniyang paglabag sa health and safety protocols sa ilang aktibidad.
“May mga napansin po tayo at naobserbahan na mga paglabag po sa mga umiiral na health and safety protocols na itinakda po ng IATF,” saad ni Fajardo.
Malaking hamon aniya ang kampanya dahil maraming limistasyong itinakda ang Commission on Elections (Comelec) dahil ito ang kauna-unahang eleksyon na nasa gitna ng pandemya ang bansa.
“Ito ay napakalaking challenge hindi lang sa PNP, pati na rin sa mga kumakandidato at siyempre sa kanilang mga supporters dahil maraming limistasyon ang ibinigay ng Comelec, lalong-lalo na patungkol doon sa tinatawag po nating in-person campaign sorties po nila,” paliwanag nito.
Nagsimula ang kampanya ng mga tumatakbo sa national posts noong February 8.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.