Ilang lugar sa Mindanao, nanatili sa ‘high risk’ status sa COVID-19 – OCTA
Bumaba na sa ‘moderate risk’ status sa COVID-19 ang Cotabato City at Iligan sa Mindanao, ayon sa OCTA Research.
Sa datos na inilabas ni OCTA Research fellow Guido David hanggang February 9, mananatili sa ‘high risk’ category ang Butuan, Cagayan de Oro, Davao City, General Santos, at Zamboanga City.
Gayunman, unti-unti na aniyang bumababa ang mga naitatalang kaso ng nakahahawang sakit sa mga nabanggit na lugar.
“With the observed downward trend in these cities, we expect most of them to improve to moderate risk by next week,” saad ni David.
Lumabas din sa datos na nakapagtala ang Butuan ng -62 percent one-week growth rate sa mga kaso, -62 percent sa Cagayan de Oro, -69 percent sa Cotabato City, -64 percent sa Davao City, kapwa -47 percent sa General Santos at Iligan, at -42 percent sa Zamboanga City.
Samantala, nasa 0.56 naman ang reproduction number sa Butuan, 0.55 sa Cagayan de Oro, 0.43 sa Cotabato City, 0.52 sa Davao City, 0.81 sa General Santos, 0.57 sa Iligan, at 0.76 sa Zamboanga City.
Sa huling datos ng Department of Health (DOH) hanggang February 9, nasa 96,326 pa ang bilang ng aktibong kaso sa Pilipinas.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.