Dapat manatili ang pagpapatupad ng alert level system sa bansa habang nararanasan ang pandemya dahil sa COVID-19, ayon sa independent analytics group na OCTA Research.
Sa Laging Handa public briefing, sinabi ni OCTA Research fellow Guido David na kailangan ang pag-iral ng alert level system.
“Well sa perspective namin, ‘yung alert level system ay requirement ‘yan as long as we’re in a state of emergency or state of pandemic,” ani David.
Dagdag nito, “So, ang makakapagsabi niyan ay ‘yung World Health Organization, isang governing body internationally, ay masabing wala na tayong state of pandemic, ay pwede na siguro nating tanggalin ‘yung alert level system. Pero until then, ‘yung nga, naka-tie in itong alert level system sa pagiging state of calamity or state of national emergency.”
Samantala, kaugnay naman sa iminunghaki ng Metro Manila mayors na ibaba sa Alert Level 1 ang National Capital Region, sinabi ni David na mabuting tignan ang mga datos bago magpatupad ng pagbaba ng alert level system.
“Ang isang tinitignan natin na factor na possible supporting indicator for downgrading to Alert Level 1 would be hospital utilization na ngayon ay nasa 31 percent na lang,” ani David.
Maliban dito, dapat din aniyang tignan ang mataas na level ng COVID-19 vaccination.
Gayunman, nilinaw ni David na desisyon pa rin ito ng gobyerno.