Lacson: Hindi kami mangangako ni SP Sotto ng mga ‘imposible’

Photo credit: Sen. Ping Lacson/Facebook

Naninindigan si Partido Reporma presidential candidate Panfilo “Ping” Lacson na hindi bahagi ng pangangampaniya nila ng kanyang running mate na si vice presidential candidate at Senate President Vicente Sotto III ang siraan ang mga kapwa nila kandidato.

Ngunit pinuna lang niya ang mga ipinapangako ng ilang kapwa presidential aspirants, na aniya sa kanyang palagay ay imposible na mangyari.

Binanggit nito ang pahayag ng isang kandidatong magpapatayo ng mga libu-libong bahay para sa mga mahihirap.

Ayon kay Lacson, nang kuwentahin niya ang kakailanganing pondo para sa pagpapatayo ng mga bahay, aabot ito ng P5 bilyon kada taon.

Kaya’t sabi nito, matatapos na ang termino ng susunod na pangulo ay hindi pa ganap na natutupad ang pangako na pabahay.

Inihalimbawa rin nito ang pangako na bigyan ng sariling gadget ang mga bata para sa kanilang blended learning.

“May 30 million ang estudyante, magkano ang gadget? Hindi mangangako na hindi naming pinag-aaralan. Nandun kami sa paano? Yung paged-deliver,” sabi pa ni Lacson.

Pagdidiin niya na ang dapat na takbo ng kampaniya ay hindi base sa kuwento-kuwento at pambobola.

Read more...