Pumalo na sa mahigit 60 milyon ang bilang ng mga fully vaccinated na indibiduwal sa Pilipinas laban sa COVID-19.
Ayon kay Cabinet Secretary at acting Presidential spokesperson Karlo Nograles, umabot na sa kabuuang 60,145,895 ang nakatanggap ng dalawang doses ng bakuna kontra sa nakahahawang sakit.
Base pa sa National COVID-19 Vaccination Dashboard hanggang February 7, 60,738,897 na ang nakatanggap ng first dose habang 8,240,672 naman ang booster dose.
Bunsod nito, 129,125,464 na ang kabuuang bilang ng mga COVID-19 vaccine dose na na-administer sa bansa.
Sa huling datos ng Department of Health (DOH) hanggang February 7, nasa 116,720 pa ang aktibong kaso ng COVID-19 sa bansa.
Dahil dito, patuloy na hinihikayat ang publiko na magpabakuna upang maprotektahan kontra sa nakahahawang sakit.