Safari-Toy Carnival themed sa COVID-19 pedia vaccination, ikinasa ng Las Piñas LGU
Para maging kaaya-aya ang pakiramdam ng mga batang magpapabakuna, Safari at Toy Carnival ang inihandog ng pamahalaang-lungsod ng Las Piñas sa pagkasa ng pediatric vaccination simula sa araw ng Martes, February 8.
Dagdag pa dito, ayon kay Mayor Imelda Aguilar, magkakaroon din ng film showing para sa mga bata para lubos nilang maintindihan ang kahalagahan ng bakuna.
Ayon pa kay Aguilar, bahagi rin ng vaccination rollout ang pagpapalabas ng cartoons para hindi mabagot ang mga batang babakunahan sa SM Center at sa The Tent.
Namahagi rin ng coloring materials at loot bags sa SM Center, samantalang lobo at cotton candies sa The Tent.
Aniya, target nilang makapagbakuna ng 1,500 hanggang 2,000 na mga nasa edad lima hanggang 11 kada araw.
Samantala, ibinahagi ni Vice Mayor April Aguilar na sa simula ng pagpaparehistro sa kanilang ‘Bakunahan sa Kabataan’ noong Enero 29, 11,246 na ang nagparehistro hanggang kahapon mula sa populasyon na 79,000.
Sinabi pa nito na magdadagdag pa sila ng vaccination sites para sa mga bata habang lumulubo ang bilang ng mga nagpaparehistro.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.