DILG sa mga kandidato ukol sa pagsunod sa health protocols: “They should lead by example”

Ipinaalala ng Department of the Interior and Local Government (DILG) na mahigpit na ipinagbabawal ang physical contact sa mga kampanya at house-to-house campaign para sa 2022 elections dahil sa patuloy na banta ng COVID-19.

Sa Laging Handa press briefing, inamin ni DILG Undersecretary at spokesperson Jonathan Malaya na malaking hamon sa kagawaran na matiyak na masusunod ang naturang patakaran.

“Sa totoo lang po, malaking challenge ito sa amin sa DILG so ang atin pong kapulisan ay na-orient na natin para alam nila ang allowable at not allowable [campaign activities],” saad nito.

Nanawagan naman ang DILG sa mga kandidato na manguna sa pagsunod sa mga patakaran sa kasagsagan ng kampanya.

“Ang panawagan po ng DILG, sana mag-self police na ang mga kandidato. Alam naman po nila ‘yung batas, sana po sila ‘yung manguna sa pagsunod sa batas para po ‘yung kanilang mga supporter ay sumunod din sa kanila. Kumbaga, they should lead by example para hindi na po mahirapan ang ating law enforcement agencies sa pag-implement ng mga resolusyon ng Comelec,” ani Malaya.

Nagbabala rin ang kagawaran sa mga miyembro ng mga Comelec campaign committee.

Sabi ni Malaya, “Para naman po sa mga miyembro ng ating mga Comelec campaign committee sa buong bansa, we call on them to please avoid impartiality and bias in granting the approval of these campaign activities.”

Dapat aniyang unahin ang kapakanan ng publiko bago ang pamumulitika.

Ganap na nagsimula ang campaign period para sa national posts sa araw ng Martes, February 8.

Read more...