Sen. Go, nanawagan sa mga susunod na lider na patuloy na unahin ang pandemic efforts
Binigyang-diin ni Senador at Chair ng Senate Committee on Health and Demography Christopher “Bong” Go na kailangang magtulungan ang mga kasalukuyan at aspiring government leader na unahing palakasin ang pandemic efforts, maging ang healthcare system ng bansa, sa kabila ng pagsisimula ng campaig period.
Sa pagsulpot ng bagong COVID-19 variants, hinimok ni Go ang mga kandidato na palaging unahin ang kapakanan ng mga Filipino, kasabay ng paggiit na ang paglagpas sa pandemya ay shared goal, anuman ang kanilang pananaw sa pulitika.
Hinimok din ng senador ang mga kandidato na ipagpatuloy ang legacy ni Pangulong Rodrigo Duterte, partikular ang pagpapalakas ng Malasakit Centers sa buong bansa upang matiyak na madaling makalalapit ang mahihirap na Filipino na nangangailangan ng medical assistance.
“Noong unang buwan pa lang ng pag-upo ko bilang senador, isinumite ko kaagad ang Senate Bill No. 199 para masiguro nating andiyan pa ang Malasakit Centers program kahit tapos na ang termino ni Pangulong (Rodrigo) Duterte,” sabi ni Go.
“Kaya kahit sinuman ang susunod na pangulo, sana ay maipagpatuloy at mabigyan ng kaukulang suporta ang mga programang katulad ng Malasakit Centers na nakakatulong sa mga mahihirap lalo na ‘yung mga walang matatakbuhan,” panawagan ng mambabatas.
2018 nang simulan ni Go ang Malasakit Center na naglalayong bawasan ang hospital bill ng pasyente sa pinakamababang halaga sa pamamagitan ng pag-cover sa iba’t ibang serbisyo at gastusin. Itinayo ang mga ito sa pamamagitan ng Malasakit Centers Act of 2019, kung saan si Go ang primarily author at sponsor sa Senado. Sa ngayon ay mayroon ng 149 na Malasakit Centers na nakatulong sa mahigit tatlong milyong pasyente sa buong bansa.
“May 149 Malasakit Centers na tayo nationwide at sana ay madagdagan pa ito, maipagpatuloy ang serbisyo, at mapalawak ang mga natutulungan sa susunod na mga taon. Para naman po ito sa mga Pilipino,” saad ng mambabatas.
Umapela rin si Go sa mga Filipino na kilatising mabuti ang mga kandidato at iboto kung sino ang tapat na magsisilbi sa publiko.
Sa kabila ng magkakaibang pananaw sa pulitika at istratehiya kung paano pamumunuan ang bansa, sinabi ni Go na lahat ng mga kandidato ay may kanya-kanyang potensyal. Aniya, nasa taumbayan ang desisyon kung sino ang tunay na magpapatuloy sa magagandang programa na sinimulan ng kasalukuyang administrasyon sa pagbibigay ng mas komportableng buhay para sa lahat.
“Habang patuloy tayo sa pagharap ng mga kasalukuyang hamon dulot ng COVID-19, nararapat din na bigyan natin ng pansin ang kinabukasan ng bansa. Papalapit na ang araw ng eleksyon, kaya patuloy ko ring pinapaalalahanan ang ating mga kababayan na maging mapanuri sa pagpili ng mga bagong lider ng ating bansa,” ani Go.
“Iboto natin iyong mga kandidatong tunay na tapat ang puso na magsilbi sa mga Pilipino. Bumoto tayo ng mga lider na handang ipagpatuloy ang mga magagandang programang nasimulan ni Pangulong Rodrigo Duterte na layuning magbigay ng komportableng buhay para sa lahat,” dagdag pa niya.
Nangako rin ang senador na susuportahan at isusulong ang marami pang panukala na makatutulong sa mga dehadong Filipino, sa pagsasabing, “Bilang inyong halal na mambabatas, ipinapangako kong palagi kong isusulong ang inyong mga kapakanan upang patuloy tayong makapagbigay ng mas maginhawang buhay para sa mas maraming mga kababayan natin.”
“Anuman ang kulay natin sa pulitika, sikapin nating maipalapit sa tao ang serbisyo mula sa gobyerno lalo na pagdating sa kalusugan. Napakaimportante nito dahil nasa gitna pa tayo ng pandemya,” saad pa ng senador.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.