Legarda, nagbabala ukol sa pagtapos ng COVID-19 medical wastes
Humirit si House Deputy Speaker Loren Legarda sa health facilities na sundin ang tamang protocols sa disposal ng mga medical waste na ginagamit sa paglaban sa COVID-19.
Ito ay matapos magpositibo ang walong kabataang naglalaro sa tabing-dagat sa Virac, Catanduanes kung saan ilegal na itinapon ang mga ginamit na syringe, face masks, antigen test kits, vials ng blood at urine samples at PPEs.
Base sa ulat ng Municipal Environment and Natural Resources, may mga paglabag sa batas ang isang diagnostic center na ilegal na nagtapon ng mga mapanganib na basura sa baybayin ng Barangay Concepcion.
Payo naman ng three-term senator sa publiko, huwag pulutin o paglaruan ang mga medical waste upang hindi mahawa ng anumang klase ng virus.
Mas makabubuti rin aniyang ipaalam sa mga awtoridad ang ilegal na pagtatapon ng mga delikadong basura upang hindi magkasakit.
Binanggit pa ng mambabatas na aabot sa 1,000 toneladang medical wastes ang nahahakot ng Department of Environment and Natural Resources (DENR) kada araw.
Matatandaang si Legarda ang awtor ng Republic Act Republic Act 9003 o “Ecological Solid Waste Management Act of 2000”.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.