DOH memo sa pediatric vaccination, inalmahan ni Sen. Marcos

Lubos na ikinagalit ni Senator Imee Marcos ang natuklasan niya sa isang memorandum ng Department of Health (DOH) na may kaugnayan sa pagbabakuna sa mga nasa edad lima hanggang 11 taong gulang.

Ibinahagi ni Marcos na nakasaad sa memo na maari pa ring bakunahan ang mga bata na nais maturukan ng COVID-19 vaccine kahit walang permiso ng kanilang mga magulang.

Aniya, nakasaad sa memo na maaring umaktong magulang ang estado sa pamamagitan ng kanilang mga kinatawan sa vaccination sites.

“Hindi puwedeng agawain ng gobyerno ang parental authority. May karapatan ang mga magulang na magpasya sa kalusugan at kaligtasan ng kanilang mga anak,” diin ni Marcos.

Paalala pa ng senadora, hindi ito ang unang pagkakataon na may kontrobersyal na memorandum ang DOH.

Ibinunyag din ni Marcos na noong nakaraang Marso, pinagbawalan ang mga gumagawa ng ‘sin products’ na makabili ng COVID-19 vaccines.

Binanggit niya ang pahayag ng World Health Organization (WHO) na dapat ay unahin munang matapos ang pagbabakuna ng mga nasa ‘high risk groups’ bago turukan ang mga bata at kabataan.

“Iprayoridad natin ang mga matatanda at wag natin kaligtaan kumpletuhin ang bakuna ng mga grupo na mas lantad sa virus, bago magmadaling bakunahan ang mas malulusog na mga bata,” sabi pa ni Marcos.

Read more...