Defensor sinupalpal, kindergarten politics pinatitigil

By Chona Yu February 04, 2022 - 05:01 PM

Pinatatahimik ni Quezon City Official Spokesperson Pia Morato si Congressman Mike Defensor sa pagsasagawa ng kindergarten politics.

Pahayag ito ni Morato matapos maghain ng “resignation challenge” kamakailan.

Hirit ni Defensor, handa siyang magbitiw bilang mambabatas kung mapatunayang “fake news” ang isyu tungkol sa Commission on Audit (COA) report ng QC pandemic food pack procurements.

Idiniin din niya na paninindigan niya ang kaniyang mga alegasyon na may nakitang anumalya ang COA sa P479 milyong ibinigay ng national government sa QC Local Government Unit (LGU) noong 2020 bilang tulong pinansyal sa gitna ng pandemiya.

“Nakakalungkot na bumalik sa ganitong uri ng pagkatao si Congressman Defensor. Parang isip-bata na humahamon sa marangal nating Mayor,” pahayag ni Morato.

“Uso po ito noong nasa kindergarten tayo, away-bata tapos aalis na lang sa playground yung isa. Ngunit kailangan niya mag-ingat sa resignation challenge dahil laganap na ang katotohanan at hindi ito pabor sa kanila” pahayag ng opisyal.

Ang report na tinutukoy ni Defensor ay ang COA Annual audit report na inilabas ng ahensiya noong July 19, 2021, pitong buwan nang nakalipas.

Hindi rin umano sinaad sa nasabing report na may paglabag sa procurement laws sa mga transaksyon ng QC LGU. Higit pa rito, binigyan din ni Atty. Resureccion Quieta, COA state auditor sa Quezon City, ang lungsod ng “unmodified opinion” noong 2021, ang pinaka mataas na marka na natanggap ng lungsod sa loob ng sampung taon.

Depensa naman ni Defensor, ayon sa observation and recommendations ng COA 202 audit report, pinagsusumite ang Quezon City LGU na mga dokumento upang makumpirma ang bisa at kaayusan ng kanilang mga transaksyon.

“Hindi ko maintindihan kung bakit nahihirapan si Congressman Defensor sa pagkakaiba ng recommendation at repriman. Pinapaalalahanan lamang ng COA ang QC na mayroon pang mga pending na dokumento noong panahon na ginagawa pa lang ang report, Na-submit naman ng QC ang mga dokumentong ito,” ayon kay Morato.

Naglabas naman ng opisyal na pahayag si COA Supervising Auditor and OIC Joseph L. Perez na nagpapatunay sa sinabi ni Morato na isinumite ng QC ang lahat ng nararapat na dokumento. Ayon kay Perez, sinunod ng LGU ang lahat ng kailangan ng state auditor.

“Kung gusto namin patulan si Congressman Defensor, ipinadala na sana sa amin ang address kung saan niya pwede ipadala ang kaniyang resignation letter,” ika ni Morato. “Ngunit wala kaming oras para sa mga walang kwentang bagay. Abala si Mayor Joy at ang mga city officials na gampanan ang kanilang tungkulin para sa mga QCitizens, at sinisigurado na maisasatupad nang maayos ang kaniyang comprehensive post-pandemic recovery plan at inclusive growth programs. Pinapayuhan ko din si Cong. Mike na subukan naman ito minsan, sigurado na matutuwa din ang mga kasapi ng Anak Kalusugan na maramdaman at makita siya,” dagdag pa niya.

TAGS: InquirerNews, MikeDefensor, PiaMorator, QCLGU, RadyoInquirerNews, InquirerNews, MikeDefensor, PiaMorator, QCLGU, RadyoInquirerNews

Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.

Your subscription could not be saved. Please try again.
Your subscription has been successful.

Subscribe to our newsletter!

By providing an email address. I agree to the Terms of Use and acknowledge that I have read the Privacy Policy.