Ibinahagi ni Senator Sonny Angara na naipadala na sa Malakanyang ang Marawi City Siege Compensation Bill matapos aprubahan ng Kamara ang bersyon ng Senado ng panukala.
Ayon kay Angara, pirma na lamang ni Pangulong Duterte ang hinihintay para maging ganap na batas ang panukala.
Si Angara, bilang namumuno sa Senate Committee on Finance, ang nag-sponsor ng Senate Bill 2420.
Pinasalamatan din nito ang mga kapwa mambabatas sa Mababang Kapulungan sa pagtanggap sa bersyon ng Senado ng panukala.
Tiwala si Angara na ang batas ang magbibigay ng makatarungan kompensasyon sa mga biktima nang pagkubkob ng Marawi City noong 2017.
Ito, aniya, ay hakbang para sa paghilom at ganap na pagbangon ng lungsod.
“Marami na ang nasimulan para sa Marawi rehab subalit marami pang kailangan gawin. Pero mas maaga tatayo ang Marawi City kung may kakayahan at kapangyarihan ang mga taga-Marawi. Kaya napapanahon na bigyan natin sila ng bayad-pinsala,” sabi pa ng senador.