Senate resolution na masampahan ng kaso si Energy Sec. Al Cusi binitbit sa Ombudsman

Personal na dinala ni Senator Sherwin Gatchalian sa Office of the Ombudsman ang resolusyon ng Senado na inirerekomenda na sampahan ng mga kaso si Energy Secretary Alfonso Cusi kaugnay sa pag-apruba sa Malampaya deal.

Nakalagay sa dalawang malaking kahon at maleta ang mga dokumento, na ayon kay Gatchalian, ay kanilang nakolekta sa mga isinagawang pagdinig ng pinamumunuan niyang Senate Committee on Energy.

Malinaw naman aniya ang mga naging paglabag sa pagbenta ng Chevron ng kanilang interes sa Malampaya gas field sa Uddena Corp., na pag-aari ni Davao-based businessman Dennis Uy.

Diin ni Gatchalian at sa kanyang paniniwala may mga naging paglabag si Cusi at iba pang opisyal ng Department of Energy sa Anti-Graft and Corrupt Practices Act.

Inilitanya nito ang kawalan ng sapat na kapital ng UC Malampaya para bilihin ang bahagi ng Chevron at duda din siya sa technical expertise ng grupo ni Uy para pangasiwaan ang operasyon ng Malampaya.

Sinabi lang din ng senador na nais lang niyang protektahan ang interes at kapakanan ng milyong-milyong pamilyang Filipino na maaapektuhan kapag nagkaroon ng ‘mismanagement’ sa Malampaya.

Read more...