Nakakaapekto pa rin ang trough ng low pressure area (LPA) sa labas ng Philippine Area of Responsibility (PAR) sa Southeastern portion ng Mindanao.
Ayon kay PAGASA weather specialist Ana Clauren, hindi inaasahang magiging bagyo ang naturang sama ng panahon.
Malabo rin aniya ang tsansa na pumasok ang LPA sa teritoryo ng bansa.
Ngunit, makararanas ng maulap na papawirin na may kalat-kalat na pag-ulan sa Davao region, Surigao del Sur, at Sarangani bunsod nito.
Samantala, umiiral naman ang shearline sa Silangang bahagi ng Southern Luzon.
Magdudulot ang nasabing weather system ng kalat-kalat na pag-ulan, pagkidlat, at pagkulog sa Bicol region, Quezon, Oriental Mindoro, Occidental Mindoro, Romblon, Marinduque, Aklan, at Antique.
Sa Metro Manila at nalalabing bahagi ng bansa, sinabi ni Clauren na asahan ang maaliwalas na panahon, maliban na lamang sa posibleng maranasang isolated light rains.