QC LGU, magsasagawa ng swab testing sa Bar examinees
Magsasagawa ang Quezon City government ng swab testing sa 756 examinees, at 350 personnel at volunteers para sa Bar examinations.
Ayon kay Mayor Joy Belmonte, layon nitong matiyak ang kaligtasan ng lahat ng sangkot sa eksaminasyon, lalo na ang examinees, at hindi ito maging superspreader event.
“We have been closely coordinating with the Supreme Court as well as administrators from the University of the Philippines, since the University has been selected as one of the testing sites. We share the same goal with them and that is to ensure the safety of the examinees and the success of the examinations on February 4 and 6,” saad ng alkalde.
Base sa inisyal na diskusyon, pumayag ang Supreme Court na magbigay ng test kits habang matotoka naman ang Quezon City Epidemiology and Disease Surveillance Unit (QCESU) sa pangangasiwa ng rapid antigen testing.
Magtatalaga ang QCESU ng 20 health personnel para sa testing activities sa UP College of Human Kinetics Gymnasium. Isasagawa ang pagsusuri sa Bar examinees sa Miyerkules, February 2, habang sa Huwebes, February 3 naman sa personnel at volunteers.
Sinumang lumabas na positibo sa COVID-19 ay agad isasalang sa home quarantine o dadalhin sa HOPE Community Care facilities.
Tutulong din ang iba pang departamento ng lokal na pamahalaan para sa preparasyon sa kasagsagan ng swab testing at Bar examinations.
Magtatalaga naman ang QC Disaster Risk Reduction and Management Office (QCDRMMO) at Quezon City Fire District (QCFD) ng mga tent sa UP Campus at naka-standby para sa anumang emergency situation.
Inatasan naman ang QC Task Force for Transport and Traffic Management (QCTFTTM) na panatilihin ang maayos na trapiko sa bisinidad ng naturang campus.
Ani Belmonte, “Rest assured that we will provide all the support needed and that issues concerning health or safety will be the least of your worries. We wish all the examinees the best of luck.”
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.