Pagtatayo ng Southern Luzon Multi-Specialty Medical Center sa Tayabas, Quezon lusot na sa Senado

Pasado na sa ikatlong pagbasa sa Senado ang House Bill No. 7952 para sa pagtatayo ng Southern Luzon Multi-Specialty Medical Center sa Tayabas, Quezon.

Inakda nina Quezon 4th District Rep. Angelina “Helen” Tan at Cong. Wilfrido Mark Enverga ng unang distrito ang naturang panukala.

Magsisilbi ang nasabing opsital bilang kauna-unahang pagamutan para sa iba’t ibang uri ng sakit sa Timog Katagalugan at isa sa magiging apex hospital o end-referral hospital sa lugar.

Pamamahalaan ito sa ilalim ng Department of Health (DOH) upang matiyak na makapagbibigay ng mahusay, epektibo, at abot-kayang serbisyong pangkalusugan.

Ikinatuwa naman ni Tan ang pagpasa ng panukala na aniya, alinsunod sa layunin ng Universal Health Care (UHC) Act, na kanya rin isinabatas

Nagpasalamat ang mambabatas sa mga senador sa pagbibigay ng suporta, partikular na kay Senator Christopher “Bong” Go, na kanyang counterpart sa Committee on Health.

“Ito po ay isang malaking hakbang sa pag-abot ng ating pangarap na kalusugan para sa lahat ng Pilipino”, saad ni Tan.

Marami aniyang mahihirap na may sakit ang makikinabang sa pagtatayo ng Southern Luzon MSMC.

“Napakalaking tulong kung tuluyan na ngang maisasabatas ang pagtatayo ng ospital dahil hindi na magsisiksikan ang maraming mga pasyente sa Kamaynilaan upang magpagamot at higit na mabibigyan ng kagyat na atensyong medikal ang mga may karamdaman sa Southern Tagalog na siyang itinuturing ngayon na may pinakamataas na bilang ng populasyon sa buong bansa” paliwanag nito.

Maliban sa Southern Tagalog region, makikinabang rin sa nasabing panukala ang mga pasyente sa Bicol at Metro Manila.

Read more...