Labingdalawang katao ang inaresto ng mga otoridad sa Surigao del Sur kaugnay sa pagkakalason ng aabot na sa 1,300 na mga batang kumain ng binili nilang durian candy.
Ayon kay Supt. Martin Gamba, tagapagsalita ng Caraga police, kabilang sa mga inaresto ay ang mga nagbenta ng candy sa mga bayan ng Cagwait, Tago at Tagbina at sa lungsod ng Tandag.
Unang nadakip ang mga tinderong sina Junnil Martinez, 30 anyos; John Oben, 36 anyos; at Joel Paja, na pawang mula sa Calinan, Davao City.
Sa isinagawa namang follow-up operations ng mga tauhan ng Tago police station nadakip sina Richard Rivera Jr., 28 anyos; at Martinez Bocaycay, 19 anyos ng bayan ng Calinan.
Inaresto din sina Genelyn Pasa, 26 anyos ng Bucana, Davao City; at Henry Amoguis, 21 anyos ng Valencia City, Bukidnon, na nahuli pa sa aktong nagbebenta ng Wendy’s durian, mango at mangosteen candies sa Special Education Elementary School sa Tandag City.
Isang kulay puti naman na Mitsubishi L-300 FB Deluxe na may plakang MEM366 at nakarehistro sa pangalan ni Pastor Apollo C. Quiboloy ng Kingdom of Jesus Christ ang nasa kustodiya din ngayon ng pulisya.
Ang iba pang mga suspek ay hindi pa pinangalanan ni Gamba. Hindi pa rin tinukoy ni Gamba ang dahilan kung bakit nila dinala sa presinto ang sasakyang naka-rehistro sa pangalan ni Quiboloy.
Ayo kay Gamba ang mga nasabat na produktong candy ay dinala na sa Department of Health (DOH) saTandag para masuri.
Samantala, inatasan na ni Surigao del Sut Gov. Johnny Pimentel ang mga principals, alkalde at mga hepe ng pulisya sa lalawigan na maging mapagbantay sa mga “ambulant vendors”.
Ayon kay Pimentel, sa kabuuan, umabot na sa 1,350 ang nakaranas ng pagkahilo, pagsusuka, at pananakit ng tiyan matapos kainin ang binili nilang candy.
Bago ang insidente ng pagkalason ng mga bata sa Surigao del Sur nitong Biyernes, mayroon nang 40 na mga estudyante sa Kidapawan City ang nagreklamo ng pananakit ng tiyan at pagkahilo matapos makakain ng Durian candy noong Huwebes.
Itinanggi naman ng kumpanyang Wendy’s na naka-base sa Davao City na sa kanila nagmula ang produkto. Posible umanong pineke ang packaging nito para magmukhang gawa ng Wendy’s ang mga candy./ Inquirer Mindanao, Dona Dominguez-Cargullo
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.