22,000 manggagawa sa Metro Manila, nag-apply para sa ayuda ng DOLE

Umabot sa 22,000 manggagawa sa Metro Manila ang nagsumite ng aplikasyon para sa COVID-19 Adjustment Measure Program (CAMP) ng Department of Labor and Employment (DOLE).

Ang mga ito ang labis na naapektuhan nang pairalin sa Kalakhang Maynila ang pinakamahigpit na alert level status.

Sinabi ni Labor Asec. Dominique Tutay na 5,000 aplikasyon na ang naaprubahan, 12,000 ang under evaluation at higit sa 4,000 ang nasa ‘further verification.’

Sa ilalim ng programa, tatanggap ng P5,000 one-time financial assistance ang mga kuwalipikadong manggagawa dahil sa pag-iral ng Alert Level 3 o higit pa bunga ng pagdami ng kaso ng COVID-19.

Nagbilin lamang ang opisyal sa mga aplikante na siguruhing kumpleto ang mga hinihingi sa kanilang dokumento para sa mabilis na pag-apruba sa kanilang aplikasyon.

“Kapag na-deny, huwag kayo agad susuko kasi minsan may kailangan lang linawin doon sa application. Kaya i-submit lang kung ano man ang kaukulang dokumento para ma-approve ang inyong application,” bilin pa ni Tutay.

Read more...