1,300 dayuhan, hinarang na makapasok sa bansa sa taong 2021

Inquirer file photo

Hinarang ng Bureau of Immigration (BI) ang humigit-kumulang 1,300 dayuhan na makapasok sa Pilipinas sa taong 2021. Itinuturing kasi na banta ang kanilang presensyya sa interes ng bansa.

Sa ulat kay BI Commissioner Jaime Morente, sinabi ni BI Port Operations Division Chief Atty. Carlos Capulong na umabot sa kabuuang 1,320 dayuhan ang hindi pinayagang makapasok ng bansa noong 2021.

Mas mababa ang nasabing datos kumpara sa higit 3,000 dayuhan na hinarang noong 2020.

Paglilinaw ni Capulong, inaasahan ang mas mababang datos dahil sa umiiral na travel ban noong 2021.

Kabilang sa mga naharang ang 450 Chinese nationals, 261 na Vietnamese, 159 na American, 33 na British, at 24 Israelis.

Sa 1,320 dayuhan, 676 ang hindi kayang suportahan ang pananatili sa bansa at kaduda-duda ang dahilan ng pagpunta sa bansa, 501 ang improperly documented, habang 69 ang kabilang sa blacklist ng ahensya.

Nangako naman si Morente na ipagpapatuloy ng BI ang istriktong pagbabantay sa borders ng bansa laban sa undesirable aliens.

“Despite the woes of the pandemic, our officers in the frontlines shall continue to ensure that only those eligible foreigners are allowed entry in the country,” saad nito.

Read more...