Pilipinas, bumaba sa ‘high risk’ mula sa ‘critical risk’ ng COVID-19 cases
Sa unang tatlong linggo ng taon, nasa critical risk case classification ang Pilipinas at sa pagpasok ng huling linggo ng Enero ay bumaba na ito sa high risk case classification.
Ito ang ibinahagi ni Health Sec. Francisco Duque III at aniya, sa nakalipas na pitong araw, bumaba ng 18 porsiyento ang naitatalang bagong COVID 19 cases.
Sinabi ni Duque kay Pangulong Rodrigo Duterte, sa Metro Manila ang one-week moving average ng reported daily cases ay bumaba sa 7,328 mula Enero 18 hanggang 24 at mababa ito ng 56 porsiyento sa sinundan na 16,547.
Nabanggit din nito na maging ang mga katabing lalawigan ng Metro Manila ay nagpapakita na rin ng pagbaba sa mga naiuulat na bagong kaso, samantalang hindi na umaakyat ang bilang sa iba pang bahagi ng Luzon.
“Maliwanag dito Mr. President, ang porsyento ng pagtaas ng mga kaso ay unti-unti na pong bumababa,” sabi pa ni Duque.
Ngunit may mga pagtaas naman sa iba pang bahagi ng bansa, ang pag-amin ng kalihim.
Naibahagi din ni Duque ang pagbaba sa moderate ng health system capacity sa bansa, kasama na ang intensive care (ICU) utilization rate at total bed utilization rate.
Aniya, ang magagandang datos ay tatalakayin ng Inter-Agency Task Force (IATF) para maikunsidera sa posibleng pagbaba sa Alert Level 2 ng Metro Manila at iba pang lugar pagpasok ng Pebrero.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.