Isang letra lamang ang binago sa script at hindi ang election results-Comelec

 

Inquirer file photo

Ipinaliwanag ng Comelec at Smartmatic ang inilagay na bagong command sa Transparency server ng vomelec dakong 7:30 ng gabi noong May 9, araw ng eleksyon.

Sa press briefing sa PICC, binasa ni Comelec Chairman Andres Bautista ang liham mula kay Elie Moreno, Project Director ng Smartmatic-TIM na nagpapaliwanag sa insidente.

Sinasabing kinakitaan ng question mark ang pangalan ng ilang kandidato sa ‘data package o digital copy’ ng election results na ibinibigay sa mga political parties at media entity na may access sa transparency server dahilan upang palitan ito ng letrang enye (ñ).

Paliwanag ni Moreno, Dahil minor change lamang ang pagpapalit ng question mark character, minarapat ni Marlon Garcia, project manager ng Smartmatic at namumuno ng Smartmatic Technical Support Team na magpasok ng correction sa script ng server.

Ginawa anya ang correction sa presensya ng lahat ng mga nasa loob ng PPCRV Transparency Center kabilang na ang kinatawan ng mga political party at IT director ng Comelec.

Sinabi pa ni Moreno na hindi nagdulot ng pagbabago ang ginawang correction sa resulta ng eleksyon at hindi rin ito nakaapekto sa source code ng Automated Elections system.

Bukod dito, mayroon ding CCTV sa PPCRV Transparency Server maaring makita ng mga interesadong grupo.

Inaamin naman ng Smartmatic na sila ay may naging pagkukulang dahil hindi muna nila ipinaalam sa Comelec En Banc ang gagawing correction bago ito isinakatuparan dahil saka lamang ito nalaman ng en banc matapos ang correction.

Read more...