Umapila si Senator Christopher Go sa lahat ng mga kinauukulang ahensiya ng gobyerno na tiyakin na maibibigay ang lahat ng mga serbisyo at benepisyo sa mga healtcare workers.
Kasunod ito nang pag-apruba ng karagdagang budget para maibigay ang pang-apat na COVID 19 Special Risk Allowance.
Pagdidiin niya wala dapat nasasayang na panahon sa pagbibigay sa mga pangangailangan ng mga doktor, nurses at iba pang medical workers.
“Sila po ang mga bayani natin ngayong pandemya dahil sa kanilang patuloy na pagseserbisyo at pagsasakripisyo para maisalba ang buhay ng ating kapwa Pilipino,” sabi ng namumuno sa Senate Committee on Health.
Una nang inaprubahan ni Pangulong Duterte ang pagpapalabas ng P1.185 bilyon mula sa 2021 Contigent Fund para sa SRA ng mga healtcare workers at mga kuwalipikadong tauhan ng Department of Health.
Bukod dito, itinulak ni Go ang paglalaan ng P51 bilyon sa 2022 national budget para sa mga kompensasyon ng medical frontliners sa mga ospital.