Pinapayagan na ang ‘walk-ins’ na magpaturok ng COVID 19 vaccines sa mga botika at private clinics.
Ito ang sinabi ni vaccine czar Carlito Galvez Jr., na agad naman nilinaw na ang pagpapaturok sa mga ‘walk-ins’ ay gagawin kung mayroon pang bakuna.
Aniya uunahin pa rin sa mga bakunahan sa botika at pribadong klinika ang mga nagpa-rehistro para sa bakuna.
Kayat hinihikayat niya ang mga hindi pa bakunado na magpa-rehistro o magtungo sa mga itinalagang vaccination sites, kung saan malaki ang alokasyon ng bakuna.
“As much as possible, kapag first dose siya pwede naman ma-accommodate sa clinic kasi mayroon silang mga doktor at response team,” ayon pa kay Galvez.
May pitong botika at klinika sa Metro Manila na naitalaga sa ‘Resbakuna sa Botika’ program.