Konstruksyon ng PNR Bicol Package 1, sisimulan na

By Angellic Jordan January 22, 2022 - 11:40 AM

Nakatakda nang simulan ang konstruksyon ng Philippine National Railways (PNR) Bicol Package 1.

Ayon kay PNR General Manager Junn Magno, sisimulan ng konstruksyon ng naturang proyekto sa unang kwarter ng 2022.

Sinabi naman ni Transportation Undersecretary for Railways Timothy John Batan na inaayos na rin ng kagawaran ang loan financing para sa PNR Bicol Package 1 contract.

Hihiling din aniya ang DOTr sa Department of Finance (DOF) para sa project funding sa pamamagitan ng official development assistance (ODA) loan mula sa China.

“Nais po nating klaruhin na ito pong kontrata para sa package 1 ng PNR Bicol, ito po ang pinakamalaki nating kontrata pero hindi po ito ang pinakamalaki nating proyekto,” saad ni Batan.

Ayon naman kay DOTr Undersecretary for Finance Giovanni Lopez, ayaw ni Transportation Secretary Art Tugade na magkaroon ng pagkaantala sa implementasyon ng rail projects sa kabila ng COVID-19 pandemic.

“Nabanggit ni Secretary Tugade na bagamat nasa pandemya tayo at patuloy na tumataas ang COVID cases, sana ay siguraduhin ng DOTr at PNR at tiyakin na patuloy na ipatupad ang mga proyekto. Lalo na ang proyektong pang-riles ay ‘wag maantala. Sabi po ni Secretary Tugade na walang halong pulitika ang serbisyo publiko and we owe this to the Filipino people,” ani Lopez.

Target ng DOTr at PNR na matapos ang konstruksyon ng Package 1 sa taong 2024, at sisimulan ang operasyon sa ikatlong kwarter ng 2025.

Samantala, nakaplano na ring makumpleto ang nalalabing PNR Bicol contract packages sa pagitan ng 2024 at 2026.

Oras na maging operational, magkakaroon ang PNR Bicol ng 35 stations at may habang 560 kilometers.

Dadaan ang linya nito mula Maynila patungo sa Laguna, Quezon, Camarines Sur at hanggang sa Albay. Magkakaroon din ng extension line sa Sorsogon at branch line sa Batangas.

Sa design speed na 120 hanggang 160 kilometers per hour sa passenger trains at 80 hanggang 100 kilometers per hour sa freight trains, malaki ang inaasahang bawas sa travel time sa pagitan ng Maynila at Legazpi City, Albay.

Mula sa dating 14 hanggang 18 oras, magiging anim na oras na lamang ang biyahe gamit ang regular commuter trains, habang apat na oras at 30 minuto naman sa express trains ng PNR Bicol.

TAGS: ArtTugade, DOTrPH, InquirerNews, PNR, PNRBicol, RadyoInquirerNews, ArtTugade, DOTrPH, InquirerNews, PNR, PNRBicol, RadyoInquirerNews

Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.

Your subscription could not be saved. Please try again.
Your subscription has been successful.

Subscribe to our newsletter!

By providing an email address. I agree to the Terms of Use and acknowledge that I have read the Privacy Policy.