Pope Francis, bukas sa pagkakaroon ng babaeng dyakono sa Simbahan

 

Inquirer/AP file photo
Inquirer/AP file photo

Nagpahayag ng kahandaan si Pope Francis na bumuo ng komisyon na mag-aaral sa posibilidad ng pagkakaroon ng babaeng dyakono sa simbahan, o ang ranggo na isang antas na mas mababa sa pari.

Nabanggit ito ni Pope Francis sa isang pulong kasama ang mga babaeng kasapi ng mga religious orders sa Vatican City.

Sa kanilang pag-uusap, nabanggit daw ni Francis ang pagkakaroon ng mga babaeng dyakono noong mga unang panahon sa simbahan ngunit hindi naman tiyak kung ano ang kanilang tungkulin.

Ayon sa mga Italian news agencies at National Catholic Reporter, sinabi ni Pope Francis na sa palagay niya ay makabubuti para sa simbahan na maliwanagan ang usaping ito.

Makatutulong aniya ang pag-aaral sa posibilidad nito, pati na ang pagbuo ng komisyon na tututok dito.

Bagaman hindi maaring makapag-misa ang isang dyakono, maari silang gumawa ng maraming gawain bilang kapalit ng pari.

Kabilang diyan ang pagbi-binyag at pangunguna sa mga prayer services, pati na ang pagbibigay ng pastoral guidance sa mga deboto at may ginaganapan rin silang tungkulin sa pamamahala sa simbahan.

Kadalasan itong ginagampanan ng mga kababaihan ilang libong taon na ang nagdaan, ngunit unti-unti na itong nawala, lalo’t tinanggihan ni Pope John Paul II noong 1994 ang mga panawagan na payagan ang mga babae na maging pari.

Nagulat ang mga opisyal ng Vatican at sa ngayon, hindi pa makapag-komento ang kaniyang tagapagsalita at hihintayin muna nila ang full transcript ng pulong.

Read more...