Marahil, kilala niyo na ang kandidatong gustong manalo ng mga Amerikano, at sa panig naman ng China, mas gusto nilang manalo ang kalaban inyo na matagal na nilang kaibigan.
Napakalaking implikasyon sa nangyayaring “girian” ng Amerika at China kung sino ang papalit kay Pres. Duterte. Kaya naman, nagkalat ngayon ang mga dayuhang “interested parties” ng “superpowers” na ito, gamit ang nag-iingay nilang Pilipinong alipores para impluwensyahan ang eleksyon.
Kaya nga, mapapaisip ka tuloy, magkakadayaan ba sa halalan sa Mayo? Kung ganoon, sino ang mandadaya?
Una, alam nating lahat na ang bibilang ng mga boto ay ang vote counting machines ng SMARTMATIC.
Ikalawa, ang international certification agency naman na magrerebisa sa gagamiting “software system” at “source code” ay isang Alabama, USA-based na nagngngalang PRO V & V company.
At ikatlo, ang mamamahala sa eleksyon ay ang pitong opisyal ng Commission on Elections (COMELEC) na magiging “appointed” lahat ni President Duterte. Apat dito ay mga taga-Davao region na isa nang majority sa “botohan”, samantalang di pa natin alam at kilala ang papasok na talong bagong Duterte appointees sa Pebrero.
Noong 2016 presidential at vice presidential elections, nabulgar ang “fourth servers” o queue servers” na hiwalay sa tatlong official servers. Ito ang COMELEC server, Transparency server at Municipal board of canvassing server. Naalala niyo ba iyong nabalitang mga “renegade VCMs” sa Araneta Center, at sa lalawigan ng Quezon atbp na pawang mga “queue servers”? Ito’y inamin mismo ng Smartmatic technical supervisor at Venezuelan na si Marlon Garcia nagsabing bukod sa “queue servers” ay meron pang “meet-me room”.
Bukod dito, kontrobersyal din ang ilegal na pagpapalit ni Garcia sa “question mark symbol” at ginawang “ñ” sa transparency server. May akusasyon na nagbago ang takbo ng mga bilangan, pero iginiit ng abugado ng Smartmatic na walang nangyaring manipulasyon ng mga boto.
Kaya naman noong 2019 Legislative at local elections at panahon na ni Duterte, hindi na pinayagang makialam ang SMARTMATIC.
Noong panahon na iyon, pumasok naman ang American based na PRO V & V na siyang namahala na sa “software managment at source code review”. Tatlong servers din ang ginamit, Central Server, ang kopya nitong Redundancy server at ang Transparency server. Kaya nang pumalpak ang mga makina ng SMARTMATIC at nagkaroon ng “7-hour glitch” sa bilangan ng PPCRV at media gamit ang “transparency server”, tuloy ang bilang ng Central server. HIndi pinayagan ang mga technicians ng SMARTMATC na makialam sa nagbarang “transparency server’.
Sa tingin ng marami, maganda ang naging performance ng PRO V & V noong 2019, dahil halos walang protestang nangyari.
Pero para sa halalan sa Mayo, ang “final source code review” ay makokompleto pa sa Marso 31. Ito’y dahil marahil nagkaaberya ang mga Smartmatic VCM sa Pasay city noong Dec. 29 mock at may isyu sa VCM, canvassing at “source code”. Dahil dito pinag-uusapan na ang panibagong “TRUSTED BUILD” na maglalaman ng “final hash codes” na gagamitin sa eleksyon. Sa pagkakaalam ko, hindi ito nangyari noong 2019, kaya abang-abang tayo.
Samantala, ang napipintong all-Duterte appointed na COMELEC ay pinagbibintangan ngayon ng civil society na maaring mandaya sa eleksyon, lalo na są mga kontrobersyal na mga “pending issues”. Pero, sa totoo lang, maraming nagdaang presidente ang nagkaroon na rin ng lahat ng appointees sa COMELEC, tulad nina Tita Cory, Ramos, GMA at nitong huli si PNoy. Ngayon, Sino sa kanila ang nakialam sa eleksyon? Marahil alam niyo na ang sagot.
Pero, sa tatlong binanggit ko, Saan kaya mangggaling ang dayaan kung meron man sa nalalapit na Presidential elections? Sino ang may lakas ng loob na pakialaman ang “boto” ng sambayanang Pilipino?
SMARTMATIC, owner ng counting machines?
PRO V & V , source code reviewer na Amerikano?
O ang all-DUTERTE COMELEC appointees.
Ang nakikita ko rito ay matindihang bantayan ang mangyayari. Kung interes ng Amerika ang pag-uusapan, pwedeng magsabwatan ang SMARTMATIC at PRO V & V. Pero, naging maganda naman ang “track record” ng PRO V & V at ng COMELEC noong 2019. Ituloy kaya nila ito?
Ngayon,ang tanong, posible bang makipagkuntsaba ang ALL-Duterte COMELEC sa mga taga-SMARTMATIC at Amerikanong PRO V & V?
Maliwanag na ito’y imposible at mabubulgar sa buong mundo dahil sa galit ng mga Amerikano sa administrasyong ito. Sa tindi ng mangyayaring bantayan ng China, Amerika at Pres. Duterte sa eleksyon sa Mayo, inaasahan kong tunay na boses ng mamamayan ang magiging resulta ng halalan.