Nakipag-usap sina Senators Manny Pacquiao at Koko Pimentel para sa paggamit ng low orbit satellites na magbibigay ng mura at malakas na internet sa Pilipinas.
Sa pulong, nabanggit din ni Pacquiao ang pangarap nito na magkaroon ng spaceship launchpad sa bansa, partikular na sa Mindanao, para makasama na ang Pilipinas sa ‘space exploration.’
Inimbitahan din ni Rebecca Hunter, namumuno sa SpaceX Government Relations, na bumisita sa US para personal na makausap ang iba pang mga opisyal ng isa sa pinakamalaking pribadong aerospace company sa buong mundo.
Pag-aari ang SpaceX ni tech magnate at billionaire Elon Musk.
Nabanggit din ni Pacquiao sa virtual meeting ang posibilidad na magamit ang baterya ng Tesla sa modernisasyon ng mga jeepney sa bansa, gayundin ang pagbuo ng malawak na subway system sa pamamagitan ng Boring Company.
Pag-aari din ni Musk ang Tesla at Boring Company.
Kaugnay naman sa pagkakaroon ng sariling communications satellite ng Pilipinas, sinabi ni Pacquiao na malaking tulong ang malakas at murang internet sa mga bata na ngayon ay umaasa ng husto sa teknolohiya para sa kanilang pag-aaral.