Sa ikalawang pagkakataon ngayon bagong taon, muling nag-lockdown ang Senado dahil sa madami pa ring kaso ng COVID-19.
Simula ngayon araw ang lockdown at magbubukas muli ang Senado sa darating na Lunes, Enero 24.
Kahapon lamang muling binuksan ang Senate Building makalipas ang mahigit isang linggo na pagkakasara dahil marami sa mga kawani ang may COVID-19 o kinakailangang mag-quarantine.
“We want to allow COVID-19 surge to simmer down. Too many positives and in quarantine both with the Secretariat and senators’ staff,” sabi ni Senate President Vicente Sotto III.
Sinabi naman ni Majority Leader Juan Miguel Zubiri na may 88 active cases sa hanay ng mga nagta-trabaho sa Senado at 196 ang kabuuang bilang kasama ang mga naka-home quarantine.
“So medyo kulang ang personnel natin sa Senado. Our medical head suggested that we continue with the work holiday to allow the staff to recover,” dagdag pa ni Zubiri.
Samantala, sinabi pa ni Sotto, na ang lahat ng naka-schedule ng committee hearings at iba pang meetings ay maari naman ituloy, ngunit kinakailangan na gawin ang mga ito ‘virtually.’