Disqualification petition vs BBM ibinasura ng Comelec; dating senador nag-alok ng pagkakaisa
Dahil sa kakulangan ng merito, ibinasura ng Second Division ng Commission on Election (Comelec) ang petisyon na kanselahin ang certificate of candidacy (COC) sa pagka-presidente na inihain ni dating Senator Bongbong Marcos.
Kinumpirma ito ni Atty. Theodore Te, abogado ng mga naghain ng petisyon na kinabibilangan ng mga political detainees, human rights at medical groups, base sa natanggap nilang kopya ngayon umaga.
“In essence, the Comelec agreed with the petitioners that the representations made in Item 11 and Box 22 of the COC of Marcos Jr. are material but disagreed that they were false; in the process, the Second Division ruled that there was no ground to cancel Marcos Jr.’s COC on the ground of material representation,” ang tweet ni Te ukol sa desisyon.
Nabanggit din nito na paghahandaan nila ang paghahain naman ng motion for reconsideration.
Base sa petisyon, iginiit ng mga naghain nito na hindi maaring kumandidato sa anumang pampublikong posisyon si Marcos dahil nasentensiyahan ito ng isang korte sa Quezon City noong 1995 dahil sa kabiguan na makapaghain ng income tax returns.
Ngunit, diumano, hindi naging bahagi ng desisyon ng korte ang pagkadiskuwalipika ni Marcos na kumandidato sa halalan.
Noong 2010 nahalal pa siyang senador at noong 2016 ay kumandidato sa pagkapangalawang-pangulo.
Samantala, ikinalugod naman ng kampo ni Marcos ang desisyon ng Comelec.
“We thank the Commission on Elections for upholding the law and the right of every bona fide candidate like Bongbong Marcos to run for public office free from any form of harassment and discrimination,” sabi ni Atty. Vic Rodriguez, tagapagsalita ni Marcos.
Kasabay nito, nagpahayag na rin sila ng kahandaan na makipag-ayos sa kanilang mga kaaway at pakikipagtulungan para matiyak ang maayos, malinis at patas na eleksyon sa Mayo.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.