Ibinasura ng Korte Suprema ang consolidated petitions na inihain ni Surigao del Sur 1st District Representative Prospero Pichay na kumuwestiyon sa desisyon ng Ombudsman, Sandiganbayan at Court of Appeals.
Sa 40-pahinang desisyon noong Nobyembre 11, 2021 na inilabas noong nakaraang Biyernes, sinabi ng High Tribunal na walang merito ang apila ni Pichay.
Nag-ugat ang mga kaso sa pagbili ng Local Water Utilities Administration (LWUA) ng 445,377 shares ng Express Savings Bank Inc. (ESBI) na nagkakahalaga ng P80 milyon at nagbigay sa ahensiya ng 60 percent voting stock.
Si Pichay ang acting board chairman ng LWUA nang maganap ang pagbili.
Ngunit nadiskubre na ang LWUA noon ay nasa ilalim ng rehabilitasyon ng Bangko Sentral ng Pilipinas kayat ang naturang investments na may kabuuang halaga na P780 milyon ay maituturing na dehado para sa gobyerno.
Bunga nito, sinampahan ng kaso si Pichay at ilang iba pa.
Noong 2017, pinagtibay ng Sandiganbayan ang desisyon ng Ombudsman na nagsasabing may sapat na dahilan para kasuhan si Pichay ng tatlong ulit na paglabag sa Republic Act 3019 at Republic Act 7653.
Kabilang sa naging desisyon ang ‘perpetual disqualification’ sa anumang pampublikong tanggapan.