Survivorship benefits sa mga naulila ng prosecutors malaking tulong ayon kay Senador Bong Go
By: Chona Yu
- 3 years ago
Pinuri ni Senador Christopher “Bong” Go si Pangulong Rodrigo Duterte sa paglagda nito upang maging ganap na batas ang Republic Act No. 11643, na nagbibigay ng survivorship benefits sa naulilang legal na asawa at dependent children ng pumanaw na retiradong miyembro ng National Prosecution Service.
“President Rodrigo Duterte and I have been steadfast in our commitment to fight corruption and criminality in our country. Prosecutors play a crucial role in this fight; without them, justice cannot be achieved and the rule of law cannot be upheld,” pahayag ni Go sa kanyang co-sponsorship speech, kasabay ng pagsasabing naging prosecutor din dati si Pangulong Duterte.
“It is high time that we acknowledge their invaluable contributions to public service by granting our retired prosecutors survivorship benefits,” pagbibigay diin ng mambabatas.
Ang bagong batas ay pinag-isang bersyon ng House Bill No. 9087 at Senate Bill No. 2373, kung saan co-author at co-sponsor si Go.
Sa ilalim ng batas, makatatanggap ng benepisyo ang naulilang lehitimong asawa at dependent children sa pagpanaw ng retired member ng NPS. Dapat matanggap ng beneficiaries ang lahat ng retirement benefits na tinatanggap ng namayapang miyembro o dapat nitong matanggap.
Nakasaad sa batas na ang “dependent” ay tumutukoy sa legitimate at illegitimate na anak o inampon na anak, na nakadepende sa namayapang miyembro ng NPS, na hindi lalagpas sa 21-anyos, walang asawa at walang trabaho o hindi kayang suportahan ang sarili dahil sa mental o physical health condition. Para naman sa mga naulilang asawa, magpapatuloy ang retirement benefits hangga’t hindi siya nag-aasawa ng iba.
Samantala, ang mga miyembro ng NPS na pumanaw, isang taon bago naging epektibo ang batas ay sakop pa rin nito.
Bilang isa sa mga may-akda ng RA 11643, binigyan diin ni Go ang pangangailangan na mabigyan ng survivorship benefits ang retired prosecutors, gaya ng kanilang counterparts sa Office of the Ombudsman na kapareho rin nila ng nature ng trabaho.
Ang pangunahing may-akda ng batas ay si Senador Juan Edgardo Angara. Ang iba pang mga senador na co-author ay sina Senate President Vicente Sotto III, Majority Leader Juan Miguel Zubiri, at Senators Sherwin Gatchalian, Emmanuel Pacquiao, Joel Villanueva, Nancy Binay, Richard Gordon at Panfilo Lacson. Si Senador Gordon ang principal sponsor ng batas bilang Chair ng Senate Committee on Justice and Human Rights.
Sa kanyang co-sponsorship speech, sinabi rin ni Go na umaasa siyang malaki ang maitutulong ng mga benepisyo sa pamilya ng namayapang prosecutor at matustusan ang kanilang pangangailangan kahit pumanaw na ang kanilang mahal sa buhay.
Batid ng senador ang panganib na kinakaharap ng mga prosecutor at ang ipinagkaloob na benepisyo ay nagsisilbing maliit lamang aniyang kabayaran sa kanilang dedikasyon sa pagsisilbi sa bayan.
“I laud the enactment of this measure which honors the bravery of our prosecutors who confront real threats and risks to their lives and the lives of their families while dutifully carrying out their duties as officers of the courts,” saad ni Go