Paghihigpit sa mga ‘di bakunado, dapat maingat ang gobyerno – “WAG KANG PIKON!” ni Jake J. Maderazo

Iniutos ni Pangulong Rodrigo Duterte na hanapin at ilista ang lahat ng mga hindi bakunadong tao sa bawat baranggay sa buong bansa. Iniutos niyang pakiusapan ang mga ito na huwag munang lumabas ng bahay dahil sa umiiral na health emergency. At kung matigas daw ang mga ulo, iniutos na sila’y arestuhin. Ayon sa pangulo, ang mga ‘di bakunado ay panganib sa kalusugan ng mga kababayan natin lalo’t sumisirit ngayon ang dami ng Omicron infections.

Nagagalit si Presidente dahil kahit nasa 52% na ang fully vaccinated sa atin, milyun-milyon pa din ang ‘di pa nababakunahan.

Sa Lunes, pagbabawalan na ang mga ‘di bakunado na sumakay sa lahat ng uri ng public transportation, bus, jeep, LRT, barko at eroplano. Ang mga lokal na pamahalaan ay iniiisa-isa na ang mga palengke, at iba pang “public places” upang tiyaking hindi makakapasok ang mga “unvaccinated”. Meron pang ordinansa ang mga baranggay na isabit ng bawat tao na parang I.D. ang kanilang vaccination cards para madaling makilala.

Pero, malakas din ang nangyayaring pagkontra rito. Tinawag itong “diskriminasyon” na pagtrato ng gobyerno doon lamang sa mga ‘di bakunado. Kung pagkalat ng COVID-19 ang pag-uusapan, pareho namang nanghahawa ng virus ang mga “vaccinated” at “unvaccinated”, pero tila, isang panig lang ang pinag-iinitan. ‘Di raw dapat pakialaman ng gobyerno ang “right to privacy” ng taong ayaw magpabakuna. Ito’y desisyon niya dahil ayaw niyang pasukan ng “foreign object” ang kanyang katawan kahit karamihan nang mga malubha sa ospital at namamatay ay mga unvaccinated. Maraming hindi nagpapabakuna dahil sa relihiyon, buntis, may “medical condition” o ang iba naman ay “personal” ang kadahilanan. Ang mahalaga, batid nila ang malaking panganib ng di bakunado at handang harapin ito. Ngayon, makukuwestyon ba natin ang desisyong ito?

Pero, iginigiit ng gobyerno na higit 3.1 milyong katao na ang mga nagka-COVID sa bansa, 52,000 ang namatay at halos magta-tatlong taon na tayong binabakbakan ng pandemya na tila hindi pa rin matatapos. Kailangang kumilos sila upang protektahan ang nakararaming mamamayan sa panahong ito ng national health emergency.

Sa aking palagay, iinit lalo ang sitwasyon sa ibaba kung paparusahan ang mga “unvaccinated”. Magsisimula muna sa listahan iyan at pagkatapos mapupunta sa mapanganib na “public shaming” o pagpapahiya sa bawat isa. Hindi malayong mag-away-away ang ating mga mamamayan dahil itinatatak sa isip ng marami na isang “masamang ugali” o kasalanan ang hindi pagbabakuna. Bagay na palulubhain pa ng mga tensyong pulitika at pamilya, kayat lalong magkakalayo tayong lahat.

Kung susuriin, responsibilidad ng gobyerno sa ilalim ng “public health emergency” na kumbinsihin ang bawat mamamayan na magpabakuna laban sa COVID-19. Oo, nagkaroon tayo ng problema ng suplay ng bakuna sa umpisa, pero hindi natin maaalis ang katotohanang may malaking pagkukulang ang “public leadership”, sa pangunguna ng IATF, Malakanyang at vaccine czars, lalo na sa “official messaging” para sa lahat ng mamamayan na magpabakuna.

Dahil dito, hindi magiging maganda para sa Duterte administration kung mangyari o ipilit ang “public shaming” sa mga hindi bakunado. HIndi maiaalis ang katotohanan na posibleng pinipilit ng gobyerno takpan ang sariling kapalpakan, at ilihis ang sisi sa mga tao, lalo na ang mga “unvaccinated”.

Tandaan po natin na ang gobyerno ay nagsisilbi sa lahat ng mamamayang Pilipino, bakunado man o ‘di bakunado, kahit ano pa ang kulay o paniniwala mo. At dahil diyan, hindi lamang kapakanan ng isang panig ng mamamayan ang dapat nilang asikasuhin.

Kung tutuusin, humihingi din ng atensyon ang mga di bakunado. Sabi nga ng isang tsuper sa newscast, kung ipagbabawal ang mga di-bakunado sa mga “public transportation”, dapat bigyan din ang mga unvaccinated ng sariling jeepney, bus o espasyo sa LRT. Simpleng komentaryo, pero malalim ang implikasyon.

Kaya nga, sinasabi ko sa gobyerno, pag-ingatan ng husto ang isyung ito ng “diskriminasyon”. Kumpletuhin ninyo ang public messaging at pagsilbihan ang lahat ng mamamayan, bakunado man o ‘di bakunado. Lahat tayo Pilipino, hindi dapat pinaghahati-hati ng gobyerno dahil sa pandemyang ito.

Read more...