Dahil sa patuloy na pagtaas ng kaso ng COVID-19 sa bansa, binago ng Quezon City ang case management sa mga komunidad.
Ayon kay Quezon City Mayor Joy Belmonte, naglabas na siya ng Memorandum Number 04-22 na naglalatag ng bagong guidelines.
Kailangan aniyang home quarantine na lamang ang mga naka-close contact ng isang nagpositibo sa COVID-19 kung asymptomatic o may mild symptoms lamang.
Pero kung kabilang naman sa vulnerable group gaya ng mga matatanda na may comorbidities, buntis, bata at hindi bakunado at nakararanas ng moderate o severe symptoms, agad itong ililipat sa city-owned hospitals o sa HOPE Community Care Facilities.
“It has been reported to us that the majority of recent cases of COVID-19 are either asymptomatic or have very mild symptoms. These cases usually recover with minimal intervention and may be managed at home under proper medical guidance and monitoring,” pahayag ni Belmonte.
Ayon kay Belmonte, bibigyan ng Home Care Package ang mga nagpositibo sa COVID-19 na naka-home quarantine lamang. Laman ng package ang homecare Kit, hygiene kit, home care instructions handbook, daily monitoring, at food assistance.
Bibigyan naman ang non-confirmed COVID-19 patients ng basic homecare kit na naglalaman ng thermometer, face masks, paracetamol, lagundi tablets, ascorbic acid, at home care instructions handbook.
“Through these kits, our affected citizens will have one less thing to worry about. They can refocus their energies on their recovery and on making sure that the people around them are safe from the virus,” pahayag ni Belmonte.