Naihatid na relief goods ng PCG sa mga lugar na sinalanta ng #OdettePH, higit 2,000 tonelada na
Sa kabila ng pagtaas ng kaso ng COVID-19, wala pa ring humpay ang pagpapadala ng Philippine Coast Guard (PCG) ng mga ayuda sa mga lugar na sinalanta ng bagyong Odette.
Lubos na naapektuhan ng nagdaang bagyo ang bahagi ng MIMAROPA, Western Visayas, Central Visayas, Eastern Visayas, at Caraga.
Sa datos hanggang Huwebes, January 13, umabot na sa 1,419.8 na tonelada ng relief goods ang naibiyahe ng PCG vessels at air assets.
Napadala na rin ng PCGA aircraft at private vessels ang 593.5 na tonelada ng iba’t ibang suplay.
Dahil dito, nasa 2,013.3 na tonelada ng relief goods at critical supplies ang naibiyahe ng ahensya para sa rehabilitasyon ng iba’t ibang probinsya simula noong December 19, 2021.
Nitong araw ng Biyernes, January 14, nakapagsagawa ng joint relief transport mission ang ahensya kasama ang Philippine Army (PA) sa Halian Island at Caub Island, Surigao del Norte.
Ibinaba sa BRP Bagacay (MRRV-4410) ang dalang 750 DSWD family packs, 150 gallons ng mineral water, 15 rolyo ng tarpaulin, limang sako ng malinis na damit, at hygiene kits para sa nasabing isla.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.